Hindi lang magandang mga beach at mga hot spring mayroon ang Zambales at Pangasinan. Mayroon ding natural hydrogen gas deposits sa dalawang lalawigan na maaaring magamit sa paglikha ng enerhiya o kuryente.
Nitong Miyerkoles, inihayag ng Department of Energy (DOE) na nagsagawa ito ng reconnaissance survey sa mga lugar sa Zambales at Pangasinan, na nakatakdang saklawin ng service contracts para sa kauna-unahang native hydrogen exploration sa bansa.
Ayon sa pahayag, sinabi ng DOE na hinihintay ng ahensya ang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa service contracts sa naturang eksplorasyon.
Kaugnay nito, isinagawa ng DOE ang reconnaissance survey upang suportahan ang mga service contractor sa pamamagitan ng pagbibigay ng baseline geological at environmental data na magsisilbing gabay sa kanilang pag-aaral.
Layunin nitong tukuyin ang mga palatandaan sa ibabaw ng lupa gaya ng mga hot spring at mga pormasyon ng batong ophiolite na may kaugnayan sa natural hydrogen generation.
Sinabi ng DOE na isinagawa ang survey upang mabawasan ang panganib sa eksplorasyon, mapabilis ang technical studies, at matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalikasan.
Partikular na binisita ng technical team ng DOE ang Mangatarem Hot Spring sa Pangasinan, at ang Botolan Hot Spring at Nagsasa Seeps sa Zambales.
Isinagawa ang survey sa pakikipagtulungan sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Regional Office No. 3, sa mga Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng mga nasabing lugar, at sa mga kaukulang lokal na pamahalaan.
“By screening these areas, the survey will help guide service contractors in prioritizing locations for more comprehensive exploration. In essence, it lays the groundwork for where to focus efforts and what approaches to take in the pursuit of developing clean and sustainable energy sources,” ayon kay Energy Undersecretary Alessandro Sales.
Dagdag pa ng DOE, bahagi rin ang reconnaissance survey ng mga paghahanda ng ahensya para sa kauna-unahang pagsasanay sa bansa ukol sa eksplorasyon ng native hydrogen. Kaugnay ito sa isang specialized course para sa mga kasama local and international technical na nakatakdang gawin sa huling bahagi ng taon.
“We also want to build the country’s technical capacity to explore and develop its own clean energy resources,” sabi ni Sales.
“This means equipping our scientists, engineers, and technical personnel with the skills, tools, and training needed to conduct advanced research and fieldwork in emerging energy frontiers such as native hydrogen,” ayon sa DOE official. – mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News
