Nauwi sa trahediya ang paglikas ng isang pamilya mula sa baha nang mabitawan ng ama ang kaniyang isang-taong-gulang na anak na babae sa Las Piñas City nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang sanggol sa ilog sa Barangay Talon 3. Ang biktima, residente mula sa Barangay Almanza Uno, kung saan sila lumikas ng kaniyang mga magulang.

"Mayroong isang lalaki na tumatakbo papunta rito, at binigay sa akin 'yung isang bata, at ang kaniyang declaration is ano… nalunod daw. So, habang nire-revive namin siya ay dinadala na rin namin siya sa hospital. Posible po hindi taga-Barangay Talon Tres po 'yung bata, inanod lang talaga,” ayon kay barangay kagawad Jovel Lagla.

Tuluyan nang binawain ng buhay sa ospital ang sanggol, at natukoy din kinalaunan ang kaniyang mga magulang.

Ayon sa ina ng sanggol, ang mister niya ang may hawak sa kanilang anak pero nabitawan niya ang bata habang lumilikas sila.

Sa tindi ng ulan, umapaw din ang River Drive area sa Las Piñas, at nakuhanan ng YouScooper na si Sheryl delos Santos ang mabilis na pagtaas ng baha.

Apektado rin ng baha ang daloy ng trapiko sa South Luzon Expressway (SLEX), na nagresulta para mapilitan ang ibang tao na lumusong sa tubig.

Mas mataas naman ang baha sa Alabang exit.

Ayon sa SLEX-Manila Toll Expressway Systems advisory, umabot ang haba ng trapiko ng hanggang 12 kilometro mula sa Alabang Exit southbound. Nasa apat na kilometro naman ang haba ng trapiko sa Sucat Exit northbound hanggang makalipas ng hatinggabi.

Inihayag ng PAGASA na ang Habagat ang nakakaapekto at sanhi ng pag-ulan sa Metro Manila. – FRJ, GMA Integrated News