Isang dalagita ang hinalay at hiningan ng pera ng isang construction worker sa loob ng isang subdibisyon sa Quezon City. Ang suspek, nahuli matapos na papuntahin ang biktima sa isang tindahan para magpa-cashout kung saan may dumaan na mga pulis.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Silangan nitong Sabado ng gabi.

Pauwi na umano ang 17-anyos na biktima matapos bumili ng pagkain at gamit sa eskuwelahan nang mahuli-cam na sinundan siya ng 32-anyos na suspek.

Ayon kay Police Major Gilbert Caducano, Officer in Charge ng Payatas Bagong Silangan Police Station, tinutukan ng patalim ng suspek ang dalagita at pinagbantaan na papatayin kapag gumawa ng ingay.

Dinala umano ng suspek sa isang madilim at bakanteng lote ang biktima sa loob ng subdibisyon at doon hinalay.

Matapos ang panghahay, hiningan pa umano ng suspek ng pera ang biktima. Pero P66 lang ang pera na dala ng dalagita kaya pumayag ang suspek na pumunta sa tindahan ang biktima para magpa-cashout.

Dito na nagkaroon ng pagkakataon ang biktima upang humingi ng tulong, at nagkataon naman na dumaan sa lugar ang nagpapatrolyong mga pulis kaya naaresto ang suspek.

Nakita sa bakanteng lote ang kutsilyo na ginamit ng suspek sa krimen.

Nalaman din ng pulisya na dalawang linggo pa lang na nagtatrabaho sa subdibisyon ang suspek, na inamin ang krimen.

Humihingi siya ng patawad sa biktima, at nagawa umano niya ang krimen dahil sa labis na kalasingan.

Kinasuhan na ang suspek habang isasailalim sa counseling ang biktima ng social services development department. –FRJ, GMA Integrated News