Unang palo ni Alex Eala sa Wimbledon nitong nakaraang July 1 at matindi ang naging pagbinyag sa kaniya sa Center Court dahil ang nakaharap niya sa first round ng women’s singles ay ang defending champion na si Barbora Krejcikova.
Kinapos sa naturang laban sa Czech player ang Pinay tennis star at napatalsik agad siya sa first round. Matapos nito, sumabak naman siya sa doubles tournament katambal si Eva Lys ng Germany. Gayunman, hindi rin umubra sa first round ang kanilang duo kontra sa nakalaban nilang may mas malawak na karanasan.
Bagaman maagang nagtapos ang makasaysayang pagsabak ni Eala sa Wimbledon bilang kauna-unahang Pinay na nakapasok sa naturang prestihiyosong torneo, nakapagbulsa pa rin naman siya ng prize money.
Ayon sa Wimbledon.com, sa kaniyang paglalaro sa single competition, inaasahan na makakakuha si Eala ng GBP66,000 o mahigit P5 milyon sa kaniyang first round appearance. Tumataginding na GBP3 million ang premyo sa mananalo sa men's at women's division nito.
Sa doubles event, ang magkakampi na mapapatalsik sa first round ay inaasahang mag-uuwi ng combined GBP16,500 prize money o mahigit tig-GBP8,000. Habang GBP680,000 naman ang matatanggap ng mananalo.
Ayon sa WTA, nasa $591,592 na ang kabuuang prize money na nakukuha ni Eala sa kaniyang mga naging laban. — mula sa ulat ni Justin Kenneth Carandang/FRJ, GMA Integrated News

