Inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) ngayong Huwebes ang online platform para makapag-renew ng driver’s license ang mga motorista kahit hindi na pumunta nang personal sa mga tanggapan ng ahensiya.

Ayon sa LTO, ginawa ang app na Online Driver’s License Renewal System (ODLRS) para mapadali ang renewal process, mabawasan ang physical transactions, at mailapit pa lalo sa publiko ang kaniyang serbisyo.

“This is a better alternative for going to LTO offices since you don’t need to shell out money for transportation to our offices and don’t even need to queue in any license renewal offices,” pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II.

Para magawa ang online application, kailangan ng motorista na i-download at i-install ang “eGovPh” app sa smartphones na makukuha sa App Store at Google Play.

Hihingi ang app ng security verification para maprotektahan ang account ng gagamit.

Ang mga hakbang para makapag-renew ng driver’s license online ay ang mga sumusunod:

  • 1. Sa eGov app, hanapin ang icon na NGA, hanapin ang LTO, at i-click
  • 2. Piliin ang Online Driver’s Application
  • 3. I-click ang "Renew Your Driver’s License"
  • 4. I-upload o kunan ng litrato ang harap at likod ng iyong Physical Driver’s License
  • 5. Kapag na-upload na, hintayin ang analyzation ng uploaded card (1min to 3min)
  • 6. Kapag nakompleto na ang validation, rebisahin at beripikahin ang detalye, at pindutin ang “submit”
  • 7. Kumuha ng iyong larawan at sundin ang Required Standard Format na makikita sa instructions bago kumuha ng isang larawan.

Para sa mas mabilis na online application, pinayuhan ni Mendoza ang mga aplikante na gawin na muna ang mga sumusunod na rekisitos o requirements na ia-upload sa online transaction process:

  •     Telemedicine Medical Examination
  •     Sa LTO ODLRS Portal i-click ang "Telemedicine"
  •     Book appointment
  •     Dumalo at tapusin ang online medical examination
  •     Complete Online Driver’s Enhancement Program (DEP)
  •     Sa LTO ODLRS Portal i-click ang ODEP
  •     Tapusin ang five-hour education program
  •     Online Payment
  •     Pumili ng isang payment gateway
  •     Bayaran ang renewal fee

Ayon kay Mendoza, kapag natapos na ang transakyson, nangangahulugan na na-renew na ang driver’s license ng aplikante. Magkakaroon ang aplikante ng electronic version ng driver’s license na makikita sa eGov app.

Ang mga e-license ay valid din gaya ng physical card.

Maaari namang kumuha ng courier provider ang mga aplikante para maihatid sa kanila ang physical card ng lisensiya, o personal itong kunin sa pinakamalapit sa kanila na LTO district office.

“All of these digitalization efforts are intended to make all transactions in the LTO fast and comfortable to all our clients as instructed by [President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos through Transportation Secretary Vince Dizon]. We continue to evolve to further improve our digital services and expand the reach to all Filipinos even abroad,” ayon kay Mendoza. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News