Nahuli-cam ang pagtangay ng isang lalaki sa babaeng dalawang-taong-gulang na natutulog sa tabi ng kaniyang mga magulang sa isang bangketa sa Quezon City. Ang kawawang musmos na minolestiya umano ng suspek, nasagip.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang pagkuha ng suspek sa batang natutulog sa bangketa kaninang madaling araw, katabi ang mga magulang na nangangalakal.
Isang babae ang nakakita sa ginawa ng suspek kaya ginising niya ang mga magulang ng bata.
Gayunman, hindi na nila naabutan ang lalaki na dala ang bata matapos na sumakay ng jeepney.
Kinaumagahan, nasagip ang bata ng mga awtoridad na nakita umanong minomolestiya ng suspek na 26-anyos.
Ang ina ng bata, desididong kasuhan ang suspek na naaresto rin ng mga awtoridad.
Paliwanag ng suspek, kinuha niya ang bata para utusan umano niyang mamalimos sa kalsada.
“Pasensya na po nagawa ko sa anak niyo. Humihingi ako ng tawad,” pakiusap ng suspek.
Ayon sa pulisya, may dati nang mga record ang suspek ng pang-aabuso sa menor de edad at pagdukot sa isa ring bata. Nasangkot na rin siya sa pagnanakaw.
Kakasuhan siya ng kidnapping at paglabag sa expanded law on rape, at anti-child abuse law. – FRJ, GMA Integrated News
