Ilan pang sako na hindi pa batid kung ano ang laman ang nasisid ng mga diver na mula sa Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng Taal Lake sa paghahanap sa mga labi ng mga sabungero na sinasabing pinatay at itinapon sa lawa.

Inihayag ito ni Assistant Secretary Mico Clavano, tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, isang araw matapos na may makita ring sako na may laman na buto pero hindi pa batid kung sa tao o sa hayop.

Ginawa ang pagsisid sa Taal Lake matapos sabihin ng whistleblower na si Julie "Dondon" Patidongan, na patay na ang mga nawawalang sabungero na dinukot noong 2021 at 2022, at itinapon ang mga bangkay sa lawa na nilagyan ng pabigat na buhangin.

"Parang nasa lake bed sila, without really having good visibility at least meron silang na-feel sa baba [nakakapa]. At doon nila nahanap itong mga sakong ito,” sabi ni Clavano.

Ayon kay Clavano, nakatutok ang mga prosecutor at agents ng National Bureau of Investigation sa isinasagawang retrieval operations.

“We still don’t know what the contents of those sacks are. Very possible din po na ang laman noon ay hindi buto, but we are hoping for the best. Of course, ayaw natin i-sobrang taas yung expectations natin but the PCG is doing their very best,” pahayag ng opisyal.

Posible rin umanong gumamit ng remotely operated vehicles o ROVs ang PCG sa ginagawang paghahanap.

Ayon sa DOJ, kung makukumpirmang buto ng tao ang laman sa sako, magsasagawa naman ng DNA testing kung magtutugma sa sino mang kamag-anak ng nawawalang sabungero.

“The DNA matching is actually underway. Kumbaga ang gagawin po natin, kukunan natin ng DNA samples ang mga kamag anak ng mga nawawala at ima-match ho natin ‘yan sa mga DNA na makikita natin sa mahanap natin kung sakali,” paliwanag ni Clavano.

“Kahapon, as we were there in Taal Lake, there were already some families who subjected themselves to DNA testing,” dagdag niya. “Let’s just stay patient. We are doing everything that we can to retrieve what is there, and we hope for the best results.” -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News