Sinuspinde nitong Biyernes ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 na araw ang driver's license ng isang vlogger na nag-viral matapos magmaneho na nakataas ang hita, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi papayagan ng DOTr at ng LTO ang mga ganitong iresponsableng pagmamaneho na maaaring magdulot ng peligro sa mga gumagamit ng kalsada gaya ng mga commuter at pedestrian.
“Paulit-ulit na utos ng Pangulo na dapat ay ligtas ang kalsada para sa lahat. Hindi natin tino-tolerate ang iresponsable at reckless na pagmamaneho,” sabi ni Dizon, batay sa isang press release ng DOTr.
Nag-isyu ang LTO nitong Biyernes ng show cause order kay Cherrylyn Larga Gonzaga a.k.a. Cherry White, na pinagpapaliwanag kung bakit hindi siya dapat administratibong kasuhan ng reckless driving at kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kaniyang driver's license dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
"Based on the information gathered, Ms. Cherry White was seen seated in a casual or lounging posture with one leg raised onto the driver's seat. She appeared disengaged from proper vehicle operation, thereby endangering the safety of other road users," sabi ng LTO sa show cause order nito.
Inutusan si Cherry White na humarap sa LTO sa Miyerkoles, Hulyo 16, 11 a.m. para magpaliwanag sa isyu.
Under alarm din ang kaniyang sasakyan, "preventing any and all transactions while under investigation," dagdag ng LTO.
Hinikayat naman ni Dizon ang publiko na patuloy na mag-ulat sa DOTr o LTO ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News
