Inihayag ng Palasyo na hindi kasama si First Lady Louise ''Liza'' Araneta-Marcos sa biyahe ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. sa Washington, D.C. ngayong Hulyo mula sa imbitasyon ni US President Donald Trump.

Inihayag ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang radio interview ngayong Miyerkules.

''Hindi po,'' tugon ni Castro nang tanungin kung kasama ba ang Unang Ginang sa biyahe ng pangulo sa Amerika.

Hindi binanggit ni Castro kung bakit hindi makakasama FL Liza sa naturang biyahe ng pangulo.

Kadalasang kasama ng pangulo ang Unang Ginang sa mga biyahe sa ibang bansa, at mayroon sariling pakikipagpulong na ginagawa ang huli.

Nakatakdang umalis si Marcos papuntang Washington sa susunod na linggo, na unang first head of state mula sa Association of Southeast Asian Nations na inimbitahan ni Trump sa White House mula nang mahalal siyang pangulo noong nakaraang taon.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro, inaasahan na kasama sa mga tatalakayin sa pag-uusap nina Marcos at Trump ang usapin ng defense and security sa harap ng patuloy na pagiging agresibo ng China sa South China Sea.

Inaasahan na pag-uusapan din ang ipinataw na US tariffs sa Pilipinas, at iba pang usapin tungkol sa kalakalan at ekonomiya. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News