Balik-GMA Prime si Dingdong Dantes para sa action-drama series na “The Master Cutter,” kung saan gaganap siyang sastre sa umaga at assassin sa gabi.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing masusubok ang versatility ni Dingdong dahil sa kaniyang doble-karang karakter.
Magko-collide ang dalawang mundo ng karakter ni Dingdong, na gagamitin ang kaniyang sastre skills upang gumawa ng pagbabalat-kayo bilang assassin.
“Visually makikita nilang ganu’n siya, makulay dahil maraming iba’t ibang costumes. Pero higit sa lahat, siyempre ‘yung kuwento. Iyon naman talaga ‘yung pinakamaganda sa lahat, ‘yung human element ng bawat karakter na pino-portray dito,” sabi ni Dingdong.
Mapanonood na ang The Master Cutter sa GMA Prime sa Abril 20.
Ilalabas din sa Netflix Philippines simula sa Abril 17.
Present sa launch ng series si GMA Network Senior Vice President Attorney Annette Gozon-Valdes.
“We're very excited and we're very thankful to Netflix kasi nadadala niya ang ating mga programa. Not just from GMA but from the other local producers to a wider audience, Southeast Asia and the global arena,” sabi ni Gozon-Valdes. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
