Nasaksahin ng mga opisyal ng Philippine National Police ang totohanang pagresponde ng mga pulis sa dapat sana’y simulation o demo lang para sa ilulunsad na bagong bersiyon ng emergency hotline ng bansa ng 9-1-1 sa Panabo, Davao del Norte.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, nasaksihan ni PNP chief General Nicolas Torre III na nasa Camp Crame sa Quezon City, ang naturang pagresponde ng mga pulis habang sinusubukan ang five-minute police response ng kaniyang mga tauhan sa Panabo.

Ang tumawag, nag-report na may kahina-hinalang lalaki na nasa isang maliit na hotel. Nang puntahan ng mga awtoridad ang lugar, lumalabas na suspek ang lalaki sa isang insidente ng pamamaril sa Tagum City.

Naka-record ang naturang operasyon ng mga pulis sa body camera ng mga pulis na rumesponde.

Ang naturang recorded video, ipinakita naman kay Department of  Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

“Despite the technology we are using, we are doing very well. But sa bagong sistema natin I think the PNP will have a better response time,” anang kalihim.

Ang bagong 9-1-1 system ay inaasahang magagamit na sa kalagitnaan ng Agosto. Ang sistema nito ay mula sa nanalong technology sa bidding na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon.

Kasama sa sistema ang kakayahan na matukoy kung nasaan ang lokasyon ng tumawag sa 9-1-1.

“Ang features niya ay language sensitive. So kung tatawag ka sa Pampanga, Kapampangan ang sasagot sa iyo,” ayon kay Remulla.

Madali rin umanong mahuhuli ang sino mang magbabalak na tumawag para manloko lang. — FRJ, GMA Integrated News