Isang pickup na minamaneho ng nakauniporme ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nasira matapos sumalpok sa mga concrete barrier sa C. Raymundo Avenue sa Pasig. 

Ayon sa driver, namali siya ng pagkalkula ng pagliko sa kalsada.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente ng alas dos ng madaling araw.

Nasira ang harapang bahagi ng sasakyan, nayupi ang gilid at tumagilid ang gulong nito sa unahan sa lakas ng impact. Batay sa ilang saksi, mabilis ang takbo ng sasakyan.

“Biglang malakas 'yung putok. Saka kami lumapit. ‘Yan na lang 'yung nakita namin. Kung nagmenor ‘yan, hindi niya aaabutin ito,” sabi ng saksing si Rogelio Suban.

“Ang lakas eh, biglang may lumagapak eh. Parang pumutok yata ‘yung gulong eh. Tapos ‘yun na, pagtingin ko, bumangga na siya, sumalpok na siya dito. Noong time na paglapit ko, unang tinignan ko 'yung driver. Pagtingin ko agad, namumula 'yung mukha niya. Tapos parang nagwi-wiggle siya ‘pag naglalakad. Siguro hindi siya ganu’n kalasing, may tama lang siya ng alak,” sabi ng saksing si Joel Usigan.

Tumangging humarap sa camera ang 58-anyos na pick-up driver.a

Ayon sa kaniya, nanggaling sila sa lamay at papuntang DPWH sa Barangay Rosario.

“‘Yung driver po natin, habang nagmamaneho po siya, pakanan po ng C. Raymundo Avenue, na-miscalculate po niya 'yung pagkanan po niya at aksidenteng sumalpok ‘yung sasakyan niya doon sa concrete barrier na naka-position sa gitna ng kalsada. Kumpleto naman  po siya, meron naman po siyang lisensiya, at meron naman pong rehistro 'yung sasakyan po niya,” sabi ni Police Chief Master Sergeant Vicente Napoleon Dalagan ng Pasig City Police,

Pasahero ng driver ang tatlong babaeng kaanak nito. Wala namang nasaktan sa insidente.

“Na-issue-han po siya ng citation ticket po. At unang-una, kailangan po niyang bayaran 'yung property ng government of Pasig at puwede na po niyang matubos 'yung kanyang lisensya. Hindi po nakainom 'yung driver at aksidente po niya, nasalpok po talaga 'yung concrete barrier,” sabi ni Dalagan.

Naialis ang humambalang sasakyan pasado 3 a.m., naiayos ang mga tumumbang concrete barrier at muling nadaanan ang apektadong kalsada. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News