Nasabat ang mahigit P20 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang lalaki sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City. Ang suspek, sa korte na lang daw magsasalita.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing pinosasan at dinakip ng pulisya ang 25-anyos na lalaki sa gilid ng kalsada sa Kenneth Road matapos mahuling may dalang mahigit tatlong kontrabando.
Sinabi ng pulisya na nakipagkita ang suspek sa kausap niyang buyer 11 p.m. ng Miyerkoles.
“Ang modus nito ay meet-up. So, an action agent, nagawan natin na nabilihan siya ng 100 grams ng shabu. And then after 'yung pagkahuli sa kaniya, 'yung search, may dala pa siya na three kilos ng shabu. Nakalagay sa bag, tapos nakasupot sa tea bags,” sabi ni Police Colonel Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig Police.
Nakumpiska ng mga operatiba ang aabot sa 3.2 kilo ng shabu umano.
Ayon pa kay Mangaldan, may operasyon ang suspek sa Pasig at iba pang karatig-lugar gaya ng Taguig, Taytay at Cainta, Rizal.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung posibleng miyembro ng isang grupong nagbabagsak ng ilegal na droga sa Pasig City at karatig-bayan ang suspek.
Tumangging magbigay ng pahayag ang lalaki na si alyas “Nader.”
“Sa korte na po ako magsasalita. Hindi ko po masabi. Sa korte na po,” sabi niya.
Batay sa mga tala ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa ilegal na baril.
Nakatakdang i-inquest nitong Huwebes at nakadetene na sa Pasig City Police Headquarters ang suspek, na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
