Nahuli-cam sa isang bus terminal sa Bansalan, Davao del Sur ang tagaan at saksakan ng dalawang habal-habal rider. Parehong nakaligtas ang dalawa at inaresto habang tinutukoy ng pulisya kung sino sa kanila ang dapat na sampahan ng kaso. Alamin kung bakit.

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa GMA News “24 oras” nitong Huwebes, makikita ang isang lalaking naka-jacket na dumating at bumaba sa kaniyang motorsiklo sa terminal noong Martes.

Habang may kausap ang nakasuot ng jacket, dumating sa kaniyang likuran ang lalaking naka-puting t-shirt at inilabas ang itak na nakatago sa kaniyang likuran.

Maya-maya lang, dalawang beses tinaga ng naka-puting t-shirt ang lalaking naka-jacket na mabilis namang nakatakbo.

Nang umalis na ang naka-putting t-shirt, binalikan ng naka-jacket ang kaniyang motorsiklo at kumuha ng patalim.

Pinuntahan nito ang tumaga sa kaniya sa loob ng palengke at doon niya naman ito sinaksak.

Ang naka-puting t-shirt  naman ngayon ang tumakbo at makikita ang tama ng saksak niya sa likod.

Hinabol pa siya ng naka-jacket na lalaki pero pumagitna ang isang security guard hanggang sa dumating ang mga pulis at dinala sila sa ospital at inaresto.

Napag-alaman na parehong habal-habal driver ang dalawang lalaki na nagkaroon ng pagtatalo na humantong sa kanilang tagaan at saksakan.

Inaalam ngayon ng mga awtoridad kung sino ang dapat kasuhan—ang una bang nanaga o ang lalaking sumugod sa palengke at nanaksak.

“Magbabase lang tayo sa evidence na makukuha ng ating investigator. Pero possibly, meron talaga itong kaso na frustrated murder,” ayon kay Davao del Sur Provincial Police Office spokesperson Police Captain Shiela May Pansoy.

Paliwanag pa ni Pansoy, hindi maikakatwiran ng isa na self-defense ang kaniyang ginawa.

“Hindi puwedeng sabihin na self-defense kasi nag-stop na yung aggression sana, kumuha naman ng kutsilyo at ini-stab yung suspek sana,” dagdag niya. — FRJ GMA Integrated News