Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 na araw ang driver’s license ng isang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver na bukod sa pabalang na kinausap ang mga pasahero, inambahan pa ng saksak ang mga ito sa Maynila. May show cause order din laban sa inDrive.
Batay sa salaysay ng babaeng pasahero, nag-book sila ng kaniyang nobyo sa isang ride-hailing app, ayon sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.
Papalapit na sila sa drop-off location sa Maynila nang magkamali ng liko ang driver, at sinabi nito sa kanila na ibababa na lang sila sa isang lokasyon na malayo sa kanilang pin.
"Sabi ko, bakit 'di niya alam e 'yun ang mismong naka-pin sa app. Dapat du'n niya ako dinala. Nagalit siya kasi 'di naman daw siya taga-roon, paano raw niya malalaman," anang babaeng pasahero.
"Sabi ko, bakit pa siya, nag-accept or nag-drive sa amin if 'di niya alam 'yung pin location. Tapos nagsisisigaw na siya na 'gunggong' daw ako," sabi pa ng babaeng pasahero.
Hanggang sa ang pagtatalo dahil sa pag-drop off, humantong sa tila hamunan ng pasahero at driver.
Wika ng driver, "Para kayong ano..." at tumugon naman ang lalaking pasahero ng "Ano? Parang ano?"
"O, anong problema mo, brad? May problema ba?" sagot ng driver.
Dahil dito, napilitang bumaba ang magnobyo sa may Binondo.
Bumaba rin ang driver at nagkaabutan sila ng bayad. Ngunit ang driver, bumalik sa kotse at may kinuha.
Ayon sa babaeng pasahero, naglabas ng kutsilyo ang driver.
"Kinuha pa niya 'yung pera ko tapos bumalik. Ibinalik sa akin 'yung sukli, tapos inambahan kami. Tapos bumalik siya, may dalang pangsaksak," anang babaeng pasahero.
Agad na iniulat ng pasaherong couple ang insidente sa pulisya.
Nakarating na rin sa LTO ang insidente.
"Nu'ng nakita namin 'yung video ng TNVS driver, immediately, ipinasuspinde natin agad 'yun, and then pina-show cause natin 'yung TNVS," sabi ni Secretary Vince Dizon ng Department of Transportation.
"'Yun nga po ang nakakalungkot kasi we have been trying to contact the driver, since we learned about the incident, kaso hindi po siya sumasagot," sabi ni John Luie Balagot, Country Government Relations Manager ng inDrive.
Na-ban na rin sa TNVS company ang driver.
Kaugnay nito, naglabas din ng show cause order ang LTFRB laban sa inDrive kaugnay sa nangyaring insidente.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na dapat ipaliwanag ng inDrive kung bakit hindi dapat kanselahin o suspendihin ang kanilang accreditation kaugnay sa ginawa ng isa nilang driver.
“We issued the show-cause order to TNC InDrive and we may require more stringent requirement qualification for drivers of TNC,” ani Guadiz.
“We are initiating this action in order to avoid the duplication of such life-threatening incidents. Incidents like brandishing a deadly weapon to your passengers is something that should not be happening and should not be experienced by any passenger riding the public transportation,” dagdag nito.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
