Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na apat na sako ang naiahon nitong Huwebes mula sa Taal Lake na naglalaman umano ng mga buto ng tao at buhangin.
"May nahanap today sa Taal Lake na human remains in the area pointed to us by our sources that were also identified by… alias Totoy," sabi ni Remulla sa isang news briefing nitong Huwebes kaugnay sa paghahanap sa nawawalang mga sabungero.
Ang tinutukoy ni Remulla na alias Totoy ay ang whistleblower na si Julie "Dondon" Patidongan, na isa sa mga akusado na nais nang maging testigo. Nauna niyang sinabi na pinatay ang nawawalang mga sabungero at itinapon ang bangkay sa lawa na nilagyan ng pabigat na buhangin.
Ayon sa kalihim, dalawa sa nakuhang sako ang may laman na mga buto at dalawa ang may laman na buhangin.
"This time in the specific area, in the quadrant— kasi ano 'yan dini-divide by quadrant 'yan. In the specific quadrant pointed out to us as a site where people are being disposed of may nahanap na remains," dagdag pa niya.
Sa inisyal na pagsusuri, lumilitaw na "human ribs" umano ang nakitang mga buto. Gayunman, sasailalim pa forensic examination ang mga buto.
Samantala, sinabi ni PNP Forensic Group's DNA Laboratory Division chief Police Lieutenant Colonel Edmar dela Torre, na anim sa 91 na buto na nakuha mula sa Taal Lake ay hinihinalang mula sa tao.
"Ninety one po 'yung na-receive namin. Plus po, six po 'yung suspected namin na of human origin. And 'yun po 'yung inuuna po namin," pahayag ni Dela Torre sa panayam ng GMA Integrated News' Unang Balita.
Ayon pa kay Dela Torre, inuuna nila ang pagkuha ng DNA profiles mula sa mga buto na mula sa tao, para sa crossmatching na gagawin sa DNA samples mula sa pamilya ng nawawalang mga sabungero.
"Ang hinihintay natin is maka-generate muna tayo ng DNA profile. Kapag hindi po tayo naka-generate ng DNA profile, wala rin pong silbi na i-process natin 'yung sa relative," paliwanag niya Dela Torre.
Buto sa sementeryo
Inihayag din ni Remulla ang mga buto na nahukay mula sa isang public cemetery sa Laurel, Batangas na malapit sa Taal Lake ay pinaniniwalang konektado sa e-sabong. Isinagawa ang paghukay dahil sa nakuha nilang impormasyon.
May mga tao na nawala umano na may kaugnayan sa e-sabong, bukod pa sa nawawalang mga sabungero.
"Mukhang e-sabong ito eh, 'yung tatlong ito kasi sa Lipa nawala," ayon sa kalihim.
Posible umanong babae ang isa sa tatlong nahukay dahil sa nakitang underwear na pambabae sa pinaglibingan sa kanila na tinambakan lang ng lupa.
Nakasuot naman ng basketball uniform ang isa sa mga nahukay.
Nauna nang sinabi ng sepulturero na naglibing sa mga bangkay na tatlo o apat na taon na ang nakararaan nang utusan siyang ilibing ang mga bangkay na walang pagkakakilanlan na salvage victims.
Nakuha umano ang mga bangkay sa magkakaibang pagkakataon at naaagnas nang kaniyang ilibing.
— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News
