Sa kulungan ang bagsak ng tatlong babae dahil sa pamemeke ng mga dokumento para makapag-solicit ng pera sa Antipolo, Rizal.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang pakikipag-usap ng isa sa mga babae ang 56-anyos na babaeng residente sa Barangay San Isidro.

May iniabot na papel ang babae sa residente samantalang naghihintay sa gate ang dalawa pa niyang kasama.

“Wala po silang kinakatok, bigla na lang po sila pumasok sa gate. 'Yung compound po namin ang pinasok niya,” sabi ng babaeng biktima.

“Pumasok sa compound at ang sabi para sa batang dalawang taong gulang na nalunod, kaya sila lumalapit ng tulong pandagdag para sa pagpapalibing. Kaya naalarma na kami. Meron silang dalang solicitation letter,” sabi ng Chief Tanod ng Barangay San Isidro na si Marvin Corpuz.

Dahil dito, humingi na ng tulong ang residente sa barangay dahil hindi umano ito ang unang pagkakataon na gumawa-gawa ng kuwento at nameke ng papeles ang tatlong babaeng suspek para makapangolekta ng pera mula sa mga residente roon.

“'Yung unang punta nila para mag-solicit para daw po 'yung sa basurero ng barangay San Isidro na patay daw. Kaya nag-report 'yung complainant dito sa barangay, bumalik ulit 'yung sa complainant. At kasi nakapagbigay ng pera noong una, halagang P40 ang alam ko. Itong pangalawang balik niya, binigyan niya ulit ng P30. Pero nawala din 'yung payong niya,” sabi ni Corpuz.

Sinabi ng barangay na nauna na umanong gumamit ng lumang death certificate ang mga suspek sa kanilang modus. Ngayon naman, gumamit naman sila ng pekeng solicitation letter paninlang.

“Ginawa nila 'yung letter, tapos listahan ng mga tao na nagbigay ng pera. Pero ayon sa kanila, wala lang ‘yun, gawa-gawa lang ‘yun,” sabi ni Corpuz.

Dinakip ang tatlong babaeng suspek na edad 38, 37 at 23. Umamin silang isang taon na nilang ginagawa ang ganitong modus dahil umano sa kakapusan sa pera.

Kung minsan, umaabot sa P1,000 ang kanilang nakukuha sa isang araw.

“Nangangatok lang po kami sa mga bahay-bahay po. Kung sino lang po magbigay. Nangangailangan lang po ako minsan po kasi hindi po sapat 'yung kinikita rin po ng asawa ko,” sabi ng isa sa mga suspek.

“Pito po kasi 'yung anak ko po, maliliit pa, wala po kasi trabaho 'yung asawa ko po,” sabi ng isa pang suspek.

Saad ng pangatlong suspek, “Pinambabayad lang po namin sa utang. Kasi 'yung sahod po ng asawa ko, ‘yun lang po 'yung pinakakain namin.”

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong trespassing at estafa, at nakakulong na sila sa Antipolo Component City Police Station.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung may iba pang kasabwat ang mga arestadong suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News