Nagtamo ng mga sugat ang isang motorcycle rider ng ride-hailing app at kaniyang angkas na pasahero matapos silang masalpok ng isa pang motorsiklo sa EDSA sa Makati City. Ang nakabanggang rider, tumakas.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa northbound ng EDSA paglabas ng Ayala Tunnel bandang 12 a.m.

Nadatnang nakahandusay sa kalsada ang dalawang biktima habang nilalapatan ng first aid ng rescuer.

Nagtamo rin ng pasa sa ulo ang rider, at iniinda niya ang sakit sa kaniyang siko at tuhod.

Ang pasahero na nanggaling sa isang meeting sa Quezon City, nagtamo naman ng sugat sa mukha at nabugbog din ang tuhod.

Parehong dinala sa ospital ang mga biktima.

“Hindi ko naman po sa pinagdadasal na mangyari din po sa inyo ‘to. Ingat na lang po kayo sa susunod. Sana po panagutan niyo po 'yung mga pinaggagagawa niyo po,” sabi ng motorcycle rider.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy kung sino ang rider na nakabangga sa mga biktima.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News