Hindi naitago ng mga mangingisda sa Batangas ang kanilang pangamba sa pagkaubos ng Tawilis, na endemic o matatagpuan lamang sa Taal Lake at idineklarang endangered species noong 2017.
Sa dokumentaryo ni Howie Severino na “Mga Lihim ng Taal,” sinabing ang Tawilis ay isang freshwater sardine, na nag-iisa lamang sa buong mundo.
Ngunit kasulukuyang humigpit ang panghuhuli sa Tawilis matapos mapabilang sa watch list bilang endangered species.
“Sa genus niya na Sardinella, siya lang ‘yung freshwater in the world. Dati saltwater,” ayon kay Dr. Maria Theresa Mutia, National Fisheries Research and Development Institute.
Dagdag ni Mutia, ang Sardinella tawilis ang siyang nakalusot na isang sardinella species na posibleng nagmula sa Balayan Bay, sa pamamagitan ng Pansipit River.
Taong 2017 nang ideklara ng International Union for Conservation of Nature na endangered ang Sardinella Tawilis.
“Since Tawilis is only found in Taal Lake as compared to the whole globally, so doon lang siya nakikita. Ibig sabihin is maliit lang ‘yung area of occupancy. So, ‘pag maliit siya, so, ibig sabihin… very vulnerable,” ani Mutia.
Taliwas sa ibang isda na maaaring maparami sa mga kulungan, mas gusto ng mga Tawilis na malawak ang kanilang tirahan.
Matapos ang marami nilang pagsasaliksik, inirekomenda ng grupo ni Dr. Mutia ang closed season ng Tawilis sa Taal Lake.
Paliwanag ni Dr. Mutia, peak ng mga Tawilis tuwing Marso at Abril. Kaya ito ang ginawang closed season para magkaroon ng panahon ang mga buntis na Tawilis na magparami at manganak.
Dahil dito, kailangang sumunod ng mga mangingisda habang istriktong ipinatutupad at nagpapatrolya ang lokal na pamahalaan.
Kaya ang mangingisdang si Rolly Orense, lugi sa kanilang huli.
Bukod dito, pinangambahan din niyang unti-unti nang nawawala ang interes ng mga kabataan sa pangingisda.
“Dapat sa isang bangkang ganiyan, dalawa kayong magkasama. Dahil po ‘yung mga sumisibol ngayong mga kabataan, parang walang hilig sa lawa. ‘Yung mga pinag-aaliwan nila, mga cellphone,” sabi niya. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News

