Inihayag ng ilang residente ang kanilang pagkagulat at pagkabahala dahil kulay puti na mistulang gatas ang kanilang tubig-baha sa Malabon.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ng Barangay San Agustin ang unti-unting pagbabago ng kulay ng baha bandang 9 a.m.
“Para pong may gluta, wala na pong maitim sa Malabon,” sabi ng residenteng si Angela Alocada.
“As of now sir, wala po kami idea kung ano pong dahilan. Hindi naman po siya mamantika, wala rin naman po, as in wala namang amoy din. First time po talaga namin encounter, as in,” ayon naman sa Secretary ng barangay na si Benilda Legardo.
Makaraan ang tatlong oras bandang tanghali, dahan-dahan nang nawala ang kulay puti sa baha.
“May mga factory kasi diyan, so pa-iimbestigahan po natin sa ating health department din para po malaman kung saan nagmula at kung delikado ba ito,” sabi ni Roderick Tongol, hepe ng Malabon CDRRMO.
Iniinda naman ng mga lumulusong sa baha sa palengke ng Malabon ang pangangamoy nito.
“Ang baho po ng amoy ng baha ngayon, lagi po. Ganito po 'yung amoy, ganito din po kadumi 'yung tubig,” anang isang residente.
Isang tricycle ang tumirik dahil sa nagkalat na mga basura.
“Actually, kahapon na almost 300 na sako ng basura ang nakuha namin. So, medyo nagtataka nga kami bakit mayroon pa rin naiwan. So, siguro babalik-balikan namin ‘yan para talagang maubos. And mananawagan na rin kami sa mga nandiyan na maging disiplinado kasi sila rin naman 'yung unang naapektuhan kapag kung saan saan lang sila nagtatapon ng basura,” sabi ni Tongol.
Maliban sa baha, binayo rin ng malakas na hangin na may kasamang ulan ang Malabon.
Sa kabila nito, marami pa rin ang lumabas dahil sa trabaho at para bumili ng pangangailangan.
Batay sa tala ng Malabon CDRRMO, 21 na kanilang barangay, 16 na barangay ang binaha nitong Sabado kung saan 18 pulgada ang pinakamalalim.
Samantala, binaha rin ang ilang lugar sa Navotas, gaya ng M. Naval Street. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
