Sinuspinde ng Malacañang ngayong Lunes, July 21, 2025 ang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas, at maging ang pasok sa gobyerno sa Metro Manila at kalapit na lalawigan dahil sa matinding mga pag-ulan.
Sa Memorandum Circular No. 88 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kanselado na ang mga klase sa mga paaralan at pasok sa trabaho sa gobyerno pagsapit ng 1:00 pm.
''In view of the continuous rainfall brought about by the Southwest Monsoon, work in government offices and classes at all levels in Metro Manila, Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Bulacan, Pampanga, Zambales and Bataan are hereby suspended on 21 July 2025 at 1:00 in the afternoon,'' saad sa memorandum.
Gayunman, tuloy naman ang operasyon sa mga ahensiya na naghahatid ng “basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services shall continue with their operations and render the necessary services.”
Ipinapaubaya naman ng Palasyo sa mga pribadong kompanya at tanggapan kung magsususpinde rin sila ng pasok para sa kanilang mga kawani.
Una rito, nagbabala ang state weather bureau na PAGASA ng heavy rainfall warning sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan dahil sa epekto ng Habagat.
Ilang lugar at kalsada sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ang nalubog sa baha dahil sa walang tigil nap ag-ulan.— Mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News
