Hinahanap ng mga rescuer ang mga nakasakay sa isang sports utility vehicle (SUV) na nahulog sa isang sapa sa Caloocan City, ayon kay Mayor Dale Malapitan.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Malapitan na natagpuan ang SUV sa Durian Bridge, isang oras matapos itong mahulog sa sapa sa bahagi ng Doña Aurora Street.
“Medyo malayo na 'yon sa lakas na rin ng current ng baha,” ayon sa alkalde. “Wala na yung pasahero sa loob. Patuloy ang ating paghahanap.”
"Dun sa mga missing natin, hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang ating paghahanap at bilin na bilin po natin na 'wag po tayo tumigil hanggat hindi nahahanap yung missing persons natin,” dagdag ni Malapitan.
Ayon kay Malapitan, hindi na madaanan ang Doña Aurora Street dahil sa baha noong Lunes pero lumusong ang SUV.
“Sa CCTV sa command center, nakita natin yung pangyayari kaya agad dumating yung ating rescue doon,” sabi ng alkalde.
Sinabi rin ni Malapitan sa naturang panayam na madadaanan na ang mga pangunahing kalsada sa lungsod. — Mariel Celine Serquiña/FRJ, GMA Integrated News

