Nahuli-cam ang pagbasag ng isang lalaki sa salamin ng isang puting sasakyan at pagtangay sa bag na may P75,000 halaga ng mga gamit sa Katipunan Avenue sa Quezon City. Apat na kawatan, arestado.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood na pagkabasag ng lalaki sa salamin, mabilis niyang dinukot ang bag sa loob at ibinigay sa kasama na nagsilbing lookout.
Pagkatangay sa bag, hindi pa nakontento ang lalaki at pinagtangkaan din ang katabing itim na sasakyan pero nabigo siya.
Nadakip ang dalawang suspek at ang dalawa nilang kasabwat sa follow-up operation.
Ayon sa pulisya, umamin ang mga suspek sa krimen.
Nabawi ang tinangay nilang gamit ng estudyante.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung kanino ang tatlong bag na narekober mula sa mga suspek. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
