Nasawi ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng dating karelasyon ng kaniyang live-in partner sa Bacolod City.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang pananaksak sa isang eskinita sa Barangay Bata.

Ikinamatay ng biktima ang mga tinamo nitong saksak sa dibdib at leeg.

Sumuko sa pulisya ang suspek, na mahaharap sa reklamong homicide.

Hindi siya nagbigay ng pahayag pero ayon sa kaniyang mga kaanak, posibleng paghihiganti ang motibo sa krimen matapos dalawang beses na umanong bugbugin dati ng biktima ang suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News