''This is the new normal.'' Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. kaugnay sa nararanasang walang tigil na pag-ulan sa Pilipinas sa nakalipas na mga araw, dulot ng mga bagyo at Habagat na nagpabaha sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa situational briefing ng mga pangunahing opisyal ng pamahalaan ngayong Huwebes, sinabi ni Marcos na hindi na “extraordinary situation” ang ganitong panahon na nararanasan ng bansa.

“Do not think of it as a special situation, this is... I hate to use the overused phrase but this is the new normal. Ganito na talaga ang buhay natin kahit ano pa ang gawin natin,'' anang pangulo.

Kailangan na rin umanong magplano ang publiko upang makapag-adjust sa pamumuhay dahil hindi maiiwasan ang mga bagyo.

''We just have to change the way we think. Everything was different from what it was in the last 40 years,'' sabi pa ni Marcos.

Sa nakaraang mga araw, tatlong magkakasunod na bagyo (Crising, Dante at Emong), na sinamahan pa ng Habagat, ang nagpaulan sa bansa at nagpalubog sa baha sa maraming lugar.

Ngayong Huwebes, 40 lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity.

Ilang araw na rin na walang pasok sa mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at apektado rin ang pasok sa mga sangay ng gobyerno. — Mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News