Apat na lalaki ang dinakip matapos umanong mahulihan ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia habang nasa loob ng isang modular tent sa isang evacuation center sa Barangay Hagonoy, Taguig City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nabulabog ng bakwit nang dumating mga pulis sa lugar matapos na makatanggap ng impormasyon tungkol sa kahina-hinalang mga tao na pumasok sa kanilang lugar.
Ayon sa mga bantay sa evacuation center, natunugan nila ang kahina-hinalang galaw ng mga tao na nasa loob ng isa sa mga tent nang magpapasok ang mga ito ng mga bisita na hindi naman evacuees.
“Hindi naman natin naisip na gagawin nila dito sa ganitong kadaming tao. Napansin lang nila na nang pumasok, siyempre inaantabayanan din at pinapansin din naman nila na medyo may katagalan yata. Ngayon, inikutan na kaagad. Nu’ng mapansin nila na bakit sarado, siyempre, tinawag na po agad 'yung kapulisan,” sabi ng camp manager.
Mataas at enclosed ang tent kung saan nahuli ang mga suspek. Sinabi ng pulisya na posibleng peligroso ang maging epekto sa mga kapwa mga evacuee kung naituloy nila ang kanilang planong pot session.
Bukod sa amoy, posibleng may iba pang kasamaang magawa ang mga suspek kung sakaling nasa impluwensya na sila ng ilegal na droga.
“May nagsumbong po sa atin na kapwa evacuation din doon na parang may ibang ginagawa 'yung isang tent. Tapos nu’ng pagkasumbong sa amin, vinerify (verify) agad namin. Pagkakita namin, nakita namin 'yung apat na magbabalak pa lang na mag-attempt ng pot session,” sabi ni Police Captain Johnny Sianen, Taguig Substation 9 Commander.
Dinala sa Station Drug Enforcement Unit ng Taguig para sa medical exam at inquest proceedings ang mga suspek, na walang pahayag. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
