Nasa kritikal na kondisyon ang isang 16-anyos na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng isa pang binatilyo sa Barangay 14, Caloocan. Ang krimen, nagsimula lang umano sa masamang titigan.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, mapanonood sa CCTV footage ang suspek at biktima, kasama ang ilang kabataan na tila nag-uusap sa gitna ng kalye nitong Linggo ng 1 a.m. Ilang saglit lang, bumunot na ng patalim ang suspek at hinabol ang biktima.
Nang abutan ang biktima, sinaksak na siya ng suspek.
“Bibili lang po sana kami ng pagkain ang kapatid ko. Tapos may mga lalaking sumusunod sa amin. Itong lalaking ‘to kinausap 'yung kapatid ko. Tapos nagulat ako dudukot na po siya ng kutsilyo. Tapos pinagsasaksak niya na,” sabi ni Nica Jean Mutuc, saksi at kapatid ng biktima.
Ayon kay Police Captain Zoilo Lopez, hepe ng Sangandaan Police, lumalabas na nagsimula ang gulo dahil sa nagkakatigan daw ng masama.
“Nagtitigan daw po nang masama. So doon na po nangyari ang kaguluhan. At ito pong suspect ay bigla pong bumunot ng patalim. At hinabol niya po itong biktima at naundayan niya po ito ng saksak,” sabi ni Lopez.
Nagtamo ng mga saksak sa tagiliran at sa likod ang binatilyo.
Tumakas ang 16-anyos na suspek, pati ang 19-anyos niyang kasabwat pero nahuli rin sila pagkaraan ng ilang oras ng mga awtoridad.
“Kursunado po kami. Ito pong kaibigan ko po, medyo mainit ulo,” sabi ng kaibigan ng suspek.
“Ito ho, aambahan na po. Lumapit po ako, nagkasagutan pa rin po, tapos hinabol po namin,” sabi ng suspek.
Hindi rin niya alam umano na may bitbit na patalim ang kaniyang kaibigan.
Ngunit may ibang paliwanag ang menor de edad na suspek sa barangay.
“Noong nakausap namin ang sabi niya, tinatanong ko kung anong dahilan, ang sagot niya lang po na blackout daw siya. Ayun lang lagi niya sinasabi, nagdilim na daw 'yung paningin niya,” sabi ni Christopher Manuel, ex-o ng Barangay 14, Zone 2.
Mahaharap sila sa reklamong frustrated murder.
Nakadetine sa Caloocan Police ang 19-anyos na suspek, habang dinala sa bahay Pag-Asa ang lalaking nanaksak na itinuturing na child in conflict with the law. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
