Ikinatuwa ng mga opisyal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng wikang Filipino sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes. Umaasa sila na magpapatuloy ang paggamit ng wikang pambansa sa mga susunod pang SONA, maging ng mga susunod na lider ng bansa.
“Mas maganda na ang mga susunod na SONA ay nasa wikang Filipino sapagkat ang ating wikang pambansa ang lunduyan ng pag-uunawaan at pagkakaisa ng ating bayang Pilipinas,” sabi ni KWF chairperson Arthur Casanova sa isang punong balitaan nitong Martes.
“Labis po akong natutuwa na ang ating pong Pangulong Marcos Jr. ay gumamit ng wikang Filipino sa kaniyang talumpati. Bagama’t may mga pagkakataon na gumagamit siya ng wikang Ingles, ngunit sa malaking porsyento ng kaniyang talumpati kahapon ay tunay na kapuri-puri ang ginawa pong talumpati ng ating Pangulong Marcos Jr,” ani Casanova.
Dagdag pa ng tagapangulo ng KWF, mas mauunawaan ng mga mamamayang Pilipino kung Filipino ang wikang gagamitin para sa mga SONA.
Para naman kay KWF commissioner Benjamin Mendillo, Jr., ang paggamit ng Ingles at Filipino ni Marcos ay nagpapakita ng estado ng wikang pambansa.
“Ang paggamit ng wika ng ating Pangulo sa kaniyang SONA ay estado rin ng wikang pambansa. Kung ano ang ginagamit na popular ngayon ay yun din ang estado ng wika natin kapag ito ay tinalumpati ng ating Pangulo,” sabi niya.
“Ang pagiging bilingualismo, ang pagkocode-switch mula Filipino sa Ingles, ay nabibigyan ng puwang ‘yan ng komisyon sapagkat ‘yan ang estado ngayon ng ating wika sa Pilipinas. At mabuti naman na ilalahad ito sa wikang Filipino sapagkat yan ang ating pambansang wika at ang Ingles ay isang opisyal na wika natin,” dagdag ni Mendillo.
Matatandaang sa kasaysayan ng mga SONA sa bansa, si Benigno Aquino III ang unang pangulo na nagtalumpati sa SONA nang buo sa wikang Filipino.-- FRJ GMA Integrated News
