Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na handa nilang suportahan ang mga gurong Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa--gaya ng mga nasa Gitnang Silangan na may nangyayaring kaguluhan ngayon— dahil may nakahandang reintegration programa ang kagawaran para sa kanila kung nais nilang magturo muli sa mga kabataang Pinoy sa Pilipinas.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng DepEd na maaaring mag-apply ang mga magbabalik na guro sa ilalim ng Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS) Program, isang reintegration initiative na ipinatutupad katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW).

Binigyang-diin ni Angara ang pangako ng kagawaran na tulungan ang mga gurong magpapasyang umuwi ng bansa.

“Sa mga gurong Pilipino sa Gitnang Silangan at sa iba pang panig ng mundo, bukas ang pintuan ng ating mga pampublikong paaralan para sa inyo. Kung magpapasya kayong umuwi, kasama ninyo ang DepEd sa panibagong yugto ng inyong paglilingkod,” ayon sa kalihim.

Sa ilalim ng SPIMS Program, maaaring maitalaga ang mga kwalipikadong aplikante bilang Teacher I, na may permanent status, basta nakapasa sa mga itinatakdang qualification standards at umiiral na hiring guidelines.

Pinangungunahan ang inisyatiba ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa ilalim ng DMW, katuwang ang mga ahensiyang gaya ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ayon sa DepEd, layunin ng programa na matiyak ang maayos at sistematikong programa para sa mga magbabalik na Overseas Filipino Workers (OFWs), na nais bumalik sa public eduction system sa bansa.

Upang maging kuwalipikado sa programa, kailangang ang aplikante na isang mamamayang Pilipino o may hawak ng Philippine passport; LET passer; may hindi bababa sa isang taong karanasan sa pagtuturo sa loob ng nakalipas na limang taon; at hindi nanirahan sa Pilipinas nang lampas sa tatlong magkakasunod na taon batay sa pinakahuling arrival record.

Pinapayuhan ang mga aplikante na makipag-ugnayan sa DMW o NRCO sa pamamagitan ng kanilang mga opisyal na channel para sa gabay sa proseso ng aplikasyon at mga kinakailangang dokumento.

Kabilang sa mga kailangang isumiteng dokumento ang valid PRC ID, Certificate of Board Rating, at patunay ng pagtatrabaho sa ibang bansa.

Umaabot sa hanggang P33,000 ang buwanang sahod na maaaring matanggap ng isang Teacher 1. – Sherylin Untalan GMA Integrated News