Aksidente umanong napabagsak ng air defenses ng Kuwait ang tatlong US F-15 fighter jet sa active combat nitong Lunes, na inilarawan ng US Central Command na isang “friendly-fire” incident, sa harap ng pagpuntirya sa Iran.

Sa kabutihang palad, ligtas na nakapag-eject umano mula sa kani-kanilang eroplano ang anim na crew member at kaagad na na-rescue.

Ito ang unang pagkakataon na may bumagsak na eroplano ng US mula nang magsimula noong Sabado ang sigalot sa Middle East nang atakihin ng US at Israel ang Iran.

Bilang ganti ng Iran, pinuntirya naman ng mga missiles nito ang Israel, at ang mga base militar ng US na nasa ilang bansa sa Middle East.

"During active combat—that included attacks from Iranian aircraft ballistic missiles and drones - the US Air Force fighter jets were mistakenly shot down by Kuwaiti air defenses," ayon sa CENTCOM.

Aminado umano ang Kuwait sa nangyaring insidente at nagsasagawa na sila ng imbestigasyon.

Sa mga video image, makikita ang eroplano ng US na bumabagsak, at may tao na nag-parachute. Sa beripikasyon ng Reuters, lumalabas na nakuhanan ang video sa bahagi ng Al Jahra area sa Kuwait.

Una rito, iniulat ng state media ng Iran na inihayag ng Islamic Revolutionary Guard Corps na may tinamaan ang Iranian armed forces ng isang US plane na bumagsak sa Kuwait.

Sa hiwalay na insidente, may nakitang usok na nagmumula sa paligid ng US Embassy compound sa Kuwait City, at may mga fire truck at ambulansiya sa lugar, ayon sa isang saksi na nakausap ng Reuters.

Wala pang tugon ang US Embassy sa Kuwait at ang US State Department nang hingan ng pahayag tungkol sa insidente sa embahada.– ulat mula sa Reuters/FRJ GMA Integrated News