Isang purok leader ang nasawi matapos siyang pagbabarilin habang nagmamaneho ng tricycle sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Danilo Porras, 59-anyos, residente ng Purok Mudia, sa Barangay Labangal.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima kasama ang kaniyang asawa nang tumigil sila sa pinangyarihan ng krimen dahil sa may nakitang tao na inakalang interesadong bumili ng lupang ibinebenta nila.
Pero nang papalis na ang biktima at kaniyang asawa sakay ng tricycle, dumating ang mga salarin na sakay ng motorsiklo, may takip sa mga mukha at pinagbabaril si Porras.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at inaalam kung away sa lupa o personal na galit ang motibo sa krimen.
Mayroon na rin umanong persons of interest ang awtoridad sa kaso.—FRJ GMA Integrated News
