Natagpuang patay at may mga tama ng bala sa ulo at katawan ang isang negosyante, kasama ang kaniyang driver at kasambahay sa loob ng isang compound sa Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, nakagapos ang mga kamay at may tama ng bala sa ulo nang matagpuan noong Sabado ang 82-anyos na negosyante sa Barangay Balok.
Nakagapos din at may tama ng bala sa ulo at katawan ang driver, ganoon din ang babaeng kasambahay.
Ayon sa mga residente sa lugar na tumangging magpakilala, nakarinig sila ng mga putok ng baril mula sa compound.
Sa isinagawang imbestigasyon, ilang basyo ng bala mula sa kalibre 45 at .9mm na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Tumanggi na muna ang pulisya na magbigay ng pahayag ang habang patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang may gawa ng krimen at ano ang motibo.—FRJ GMA Integrated News
