Isang drum na may bangkay ng tao sa loob ang nakita sa tabi ng isang creek nitong Martes ng umaga sa Barangay Palingon sa Taguig City.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras,” sinabing isang mag-asawa na magtatanim sana sa lugar ang nakadiskubre sa drum na inakalang ninakaw at iniwan sa lugar.
Pero nang alamin umano nila ang laman ng drum, napansin nila na mabigat ito.
“Nagtaka ako kung anong laman, sinilip ko, pagsilip ko…tao,” ayon kay Ronilo Machina.
Kaagad na tumawag ang mag-asawa sa mga awtoridad para i-report ang bangkay na sa tingin nila ay hindi pa nagtatagal nang patayin at itapon sa lugar.
“Bago lang, ang daming dugo ng damit,” ani Josephine Brengila.
“Kagabi lang yun, sir kasi hindi pa naman mabaho,” dagdag ni Ronilo.
Hindi rin umano unang beses na may itinapon na bangkay sa lugar dahil malayo rito ang CCTV camera.
Samantala, tumanggi na muna ang Taguig Police na magkomento sa natuklasang bangkay habang isinasagawa ang imbestigasyon.–FRJ GMA Integrated News
