Sa kulungan ang bagsak ng isang 33-anyos na lalaki na may modus na mag-alok sa mga empleyado ng mga kainan at convenience store sa Kamaynilaan na baryahan ang kanilang pera ngunit hindi na ito ibabalik.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na galit na kinumpronta ng ilang empleyado ng mga establisimyento ang suspek sa Eastwood Police Station.

Bago nito, nambiktima umano ang suspek ng empleyado ng isang restaurant sa Barangay Bagumbayan sa Quezon City Martes ng gabi, kaya siya dinakip ng pulisya.

Nakabihis pa ng uniporme ang suspek at nagkukunwari umanong empleyado ng isang convenience store.

“Ang modus niya is nag-aalok siya sa mga different restaurants, convenience stores, coffee shops na magpabarya. Then pagkatapos niya ito makuha siguro sa charisma niya o sa pambobola niya, binibigay naman sa kaniya, hina-handout 'yung pera sa kaniya. Then upon mabigay sa kaniya 'yung pera, tatangayin na niya ito. Ililigaw niya, kung samahan man siya, ililigaw niya itong kasama,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Eastwood Police Station Commander.

Nabawi mula sa suspek ang tinangay na P2,500 na pera at uniporme na ginagamit umano niya sa modus.

Lumabas sa imbestigasyon na nabiktima na ng suspek ang umabot sa 10 establisyimento sa Metro Manila. Sa kabuuan, mahigit sa P140,000 ang kaniyang nanakaw.

Hapon ng Hulyo 18 nang mahuli-cam ang suspek na pumasok sa isang convenience store sa Leveriza sa Pasay City.

Sinabi ng sales clerk na nangangailangan sila ng mga barya kaya siya pumayag sa alok ng suspek. Agad naman siyang nagtiwala dahil nakabihis ito ng kanilang uniporme.

Ngunit umabot sa P34,000 ang natangay ng suspek.

Hulyo 11 naman nang mahagip sa CCTV ang suspek sa food court ng isang mall sa Taguig City, kung saan nakatangay siya ng P13,000.

“Pagkalabas na namin ng mall, sabi niya sa akin na ‘Akin na 'yung bag ko, tsaka 'yung ipampalit na rin. ‘Dito ka lang muna ha, papasok muna ako sa mall kasi nandu’n 'yung pera na pampalit.’ Sabi niya, ‘Huwag ka sumunod sa akin, dito ka lang,’" sabi ng empleyado ng food court.

Sa kulungan, positibong kinilala ng mga empleyado ang suspek na nambiktima sa kanila. Malaki ang nakaltas sa kanilang sahod dahil sa insidente.

“Sa amin na nag-suffer eh. Kami ng dalawang kasama ko, naka-charge na sa amin,” ayon sa isang empleyado.

“Binabawasan 'yung sahod namin doon. Kinakaltas. Tsaka muntik na din kami matanggal sa trabaho dahil sa kaniya,” sabi ng isa pang biktima.

Batay sa record ng mga awtoridad, taong 2015 nang makasuhan ng suspek sa Valenzuela City at Quezon City dahil sa kagayang modus.

Taong 2017 nang makulong na rin siya sa Leyte sa kasong pagnanakaw.

Umamin sa mga nagawang krimen ang suspek, na mahaharap sa reklamong syndicated estafa.

“‘Yung iba pong nabiktima ko, humihingi po ako ng patawad sa inyo. Nagawa ko lang din ‘yun dahil naaawa ako sa mga kapatid ko,” sabi ng suspek.

Nananawagan ng pulisya sa iba pang posibleng na biktima ng suspek na makipag-ugnayan sa kanila. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News