Nilalayon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na pasiglahin ang ilang wika sa Pilipinas na nanganganib nang mawala, bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025.
Sa ulat ni Katrina Son sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing ilan ang “Kaluyanen,” “Arta,” “Binatak” at “Malaweg” sa mga nanganganib nang mawalang wika sa Pilipinas.
Ayon sa KWF, isa itong hakbang para hindi malimutan ang mga wika at maipasa pa sa mga susunod na henerasyon.
“Meron tayong 135 na wika at sinasabi na meron tayong 32 na nanganganib. Kasi meron tayong batayan din na pamantayan sa language endangerment na ginagamit ng Komisyon sa Wika para sabihin kung nanganganib nang maglaho ‘yung isang wika,” sabi ni Benjamin Mendillo Jr., komisyoner ng KWF.
Kaya naman nararapat lamang na sanayin na ang mga bata, habang mga bata pa sila, sa kanilang wika para mapreserba ang mga ito.
“Kaya ang panawagan natin dapat ang ating ginagamit sa pang-araw-araw na talakayan, diskurso, pagpapalitan ng mga kuro-kuro at opinyon, kahit sa media, dapat natin natin pinalalawig ang paggamit ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa Pilipinas,” dagdag ni Mendillo.
May mga proyekto rin ang KWF upang mapreserba ang mga nanganganib na wika.
“Meron na tayong bahay-wika sa Abucay, Bataan na nagsimula pa po ng 2018 at hanggang ngayon po ay sinusubaybayan namin dahil ang LGU po ay nangangasiwa na po,” sabi ng tagapangulo ng KWF na si Arthur Casanova, PhD.
Nagpapatuloy din ang KWF sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga guro at nakatanda na magtuturo sa mga kabataan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
