Dalawang kapatid ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan ang dinakip ng mga pulis, kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Nitong Huwebes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na itinuturing “missing links” sa kaso ang dalawa, ayon sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB.

Naaresto umano ang dalawa sa isang bansa sa Southeast Asian at dinala sa Pilipinas noong July 22.

Isa sa mga inaresto ang nakita umano sa CCTV footage na nag-withdraw sa ATM gamit ang ATM card ng isa sa nawawalang sabungero. Habang isa pa ay nakita naman sa video na kasama ang isa sa mga nawawalang sabungero nang kunin mula sa sabungan.

Dinakip ang isa dahil mayroon itong arrest warrant para sa kasong robbery, habang ang isa ay gumagamit ng ibang pangalan sa kaniyang passport.

Sinabi ng PNP na lehitimo ang pag-aresto sa dalawa at may pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration.

Una rito, kabilang si Patidongan sa mga akusado sa kaso pero nais nang maging testigo at inilahad ang kaniyang mga nalalaman sa sinapit ng nawawalang mga sabungero—kasama na ang pagturo sa umano’y mga utak sa krimen.

Tinukoy niya si Atong Ang na mastermind pero mariin itong itinanggi ng negosyante at inakusahan si Patidongan na nanghihingi sa kaniya ng pera kapalit nang hindi pagdadawit sa kaniya sa kaso. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News