Sinampahan na rin ng reklamong rape ang 13-anyos na suspek sa pagpatay sa walong-taong-gulang babae sa Quezon City matapos na lumabas ang resulta sa ginawang pagsusuri sa bangkay ng biktima.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing ang dagdag na reklamo ay inihain ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District.
“The case of rape with homicide was referred to city prosecutor’s office,” ayon kay QCPD CIDU chief P/Lt. Col. Edison Ouano.
Nasa pangangalaga ng Molave Youth Home ang binatilyong suspek habang hinihintay ang desisyon ng city prosecutor’s office kung dapat bang umusad ang reklamo sa korte.
Ayon kay Fairview Police Station Commander P/Lt. Col. Geronimo Dimayuga Jr., ikinuwento umano ng suspek na gusto nitong gawin sa batang biktima ang kaniyang "napanood."
“Tapos parang hindi pumayag yung biktima,” ayon kay Dimayuga.
Linggo ng hapon nang makita ang bangkay ng biktima na walang saplot sa isang bakanteng lote sa loob ng isang compound sa Novaliches, Quezon City.
Pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang biktima.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad matapos mawala at hindi makauwi ng bahay ang bata noong Sabado, nakita sa CCTV camera na ang suspek na kapitbahay ng biktima ang huli nitong kasama.
Hirap matanggap ng lola ng biktima ang nangyari sa kaniyang apo lalo na’t pinagkakatiwalaan nilang kapitbahay ang lumalabas na suspek sa krimen.
Sumama pa raw ang suspek nang hanapin nila ang biktima.
“Talaga dapat tratuhing adult kasi nag-deny siya na kungyari wala siyang kaalama-alam, sumama pa siya sa paghahanap. Ganun ba ang bata? Hindi ganun ang bata,” ayon kay Cecilia Lopez.
Gayunman, naniniwala ang Juvenile Justice and Welfare Council na posibleng mabasura ang reklamo laban sa minor de edad na suspek dahil sa itinatakda ng batas na 15-anyos ang maaaring papanagutin sa nagawang krimen, kung batid nito ang kaniyang kahihinatnan sa kaniyang ginawa.
“Ayaw kong pangunahan si judge, pero kung pagbabasehan natin ang batas, madi-dismiss ‘yon dahil wala siyang criminal liability. Dahil ang minimum age of criminal responsibility ay above 15 years old,” paliwanag ni JJWC executive director Tricia Clare Oco.
Gayunman, maaari pa rin maparusahan ang mga 15-anyos na nagkasala na ilalagay sa kustodiya ng Bahay Pagasa habang isinasailalim sila sa tinatawag na "rehabilitasyon."
Ang mga biktima ng krimen ng mga menor de edad, maaari ding magsampa ng kasong sibil upang humingi ng danyos at pagbayarin ang mga magulang ng nagkasalang bata.
May mga panukalang batas sa Kongreso na inihain na ibaba ang age of criminal liability sa hanggang 10-taong-gulang. – FRJ GMA Integrated News
