Dinakip ng mga awtoridad ang isang lalaki na humalay umano sa isang lalaking Grade 2 pupil sa Pasig City. 

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ng pulisya na inaya umano ng 39-anyos na suspek ang biktima na kumain sila sa isang fast food chain at pagkatapos ay dinala niya sa bahay.

Base sa reklamo, pauwi na biktima mula sa paaralan nang makita ng suspek ang bata.

“Hindi sila magka anu-ano, wala silang relationship. Nakita lang nung suspek ang bata, at nakursundahan niya,” sabi ni Pasig police chief Police Colonel Hendrix Mangaldan.

Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon at sinabing tinulungan lang niya ang bata na makauwi.

“Hindi po totoo yun, na nangggahasa ako, ang sakin lang, matulungan ang bata na makauwi sa kanila. Hindi po [pinagsamantalahan]. Medical ang magpapatunay kung pinagsamantalahan ko ang bata,” giit ng suspek.

 Nakadetine ang suspek sa Pasig Police Custodial Center na nahaharap sa reklamong rape in relation to child abuse.—FRJ GMA Integrated News