Hiniling umano ng Amerika sa Pilipinas ang extradition o pagkuha sa kustodiya ng religious leader na si Apollo Quiboloy, na may kinakaharap na mga kaso sa US, kabilang ang child sex trafficking, money laundering at iba pa, ayon sa mga source mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ng mga source na tumangging magpakilala dahil wala silang awtoridad na magsalita sa usapin, na naipadala na umano ng US government sa Department of Justice (DOJ) ng Pilipinas ang mga dokumento para hilingin na i-extradite si Quiboloy.
Kinasuhan ng isang federal grand jury sa US si Quiboloy noong 2021, at nakasama sa listahan ng mga "most wanted" ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Kabilang sa mga kaso na kinakaharap umano ni Quiboloy sa US ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling.
“The US is seriously seeking the extradition request and taking the necessary steps with the Philippine government in bringing him to justice,” saad ng isang source sa GMA News Online.
"Malacanang is also aware of the US extradition request," dagdag nito.
Nakasaad sa extradition treaty ng Pilipinas at US na nilagdaan noong 1994 na, "all requests for extradition shall be submitted through the diplomatic channel" and "shall be supported by documents, statements, or other types of information which describe the identity and probable location of the person sought."
Kapag pinayagan ang kahilingan, nakasaad sa kasunduan na pag-uusapan ng magkabilang panig ang petsa at lugar kung saan isusuko ang taong ipinapa-extradite.
Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez ang naturang kahilingan ng Amerika.
"I can confirm the documents/evidence for the extradition request are all now with the DOJ. They have been there since June," sabi ni Romualdez sa GMA News Online.
Hinihintay din ang komento ng DOJ at US Embassy sa Manila, kaugnay ng nasabing usapin.
Nadetine ngayon sa Pilipinas si Quiboloy dahil sa kinakaharap na mga kaso kabilang ang qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) of Republic Act No. 9208, na walang nakalaang piyansa.
Bukod pa sa mga kasong paglabag sa Section 5(b) and Section 10(a) of Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.— mula sa ulat ni Michaela del Callar/FRJ GMA Integrated News

