Inihayag ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang matinding galit na naramdaman niya matapos niyang makumpirma ang isang “ghost” flood control project sa Baliuag, Bulacan. Ang naturang proyekto, idineklarang tapos na at binayaran ng P55 milyon.

Personal na pinuntahan ni Marcos nitong Miyerkoles ang naturang riverwall project sa Purok 4 sa Barangay Piel , Baliuag.

''Extremely, more than disappointed, I'm actually... I'm getting very angry with what's happening here... Nakaka... Papaano naman, 220 meters, P55 million completed ang record ng Public Works, [pero] walang ginawa. Kahit isang araw hindi nagtrabaho... Puntahan ninyo, wala kayong makita kahit ano... Tuloy-tuloy ang pagbaha doon sa kabila,'' sabi ni Marcos sa mga mamamahayag.

Ayon kay Marcos, malaking tulong din sana sa irigasyon ang naturang proyekto kung nagawa nang tama.

Base sa dokumento mula sa Department of Public Works and Highways, isang reinforced concrete riverwall project ang dapat na ginawa ng Syms Construction Trading, na may pondong P55,730,911.60.

Ayon kay Marcos, nakasaad sa report na tapos na at bayad na ang naturang proyekto noong June 2025.

Kabilang umano ang naturang proyekto sa mga isinumbong sa inilunsad na sumbongsapangulo.ph website, ang online portal na maaaring magpadala ang mga tao ng kanilang mga reklamo.

''Wala kaming makita na kahit isang hollow block, [o] isang ano ng semento, walang equipment dito. Lahat ng project na ito, ghost projects,'' sabi ng pangulo.

Sa isang ulat sa GTV News "Balitanghali," sinabi ni Marcos na mayroong modus sa mga flood control project na ipinapasa ng kompanyang nanalo sa bidding ang paggawa sa proyekto sa ibang kontrata.

“Ang technique na ginagawa ngayon yung kontraktor makakakuha, ma-award ng contract sa kanila. Tapos hindi nila ginagawa ang trabaho, ipinagbibili nila yung contract sa mga sub-contractor. Bahala na yung sub-contractor kung itutuloy yung project, bahala sila kung maganda, kung nasa standard, o substandard kaya napapabayaan, at yung iba, hindi na lang tinutuloy,” paliwanag niya.

Sa Senate blue ribbon committee hearing nitong Lunes, inihayag ni DPWH Secretary Manny Bonoan na P5.9 bilyon ang halaga ng ghost flood control projects sa Bulacan.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, may natanggap siyang impormasyon na may mga "ghost” flood control projects sa Malolos City, Calumpit at Hagonoy sa Bulacan. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News