Nais ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na isalin sa Filipino at iba pang lengguwahe ang mga batas sa bansa upang maunawaan ng mas maraming Pilipino.
Dahil dito, naghain si Diokno ng House Bill 3863, o Batas sa Sariling Wika Act or Law in Native Language Act., upang matugunan umano ang balakid sa komunikasyon dahil sa magkakaibang wika.
“How can we expect ordinary citizens to follow the law if it’s written in a language they can’t understand? A worker in Mindanao shouldn’t need a lawyer or translator to understand the Labor Code; a mother in Ilocos should be able to read the Anti-VAWC (Violence Against Women and Children) law in her native tongue,” paliwanag ni Diokno na isang abogado.
“Bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao sa loob ng ilang dekada na, karamihan ng mga kliyente natin ay mga ordinaryong mamamayan na hindi bihasa sa Ingles. Dehado na nga sila dahil wala silang pera at kakayahan, mas lalo pa silang dehado dahil hindi nila naintindihan ang batas,” dagdag niya.
Nakapaloob sa panukala ni Diokno na amyendahan ang Revised Administrative Code of 1987 upang maisalin sa tatlong pangunahing wika ang mga batas sa bansa sa Filipino, Bisaya, at Ilokano na kumakatawan umano sa apat na pinakamalaking ethnolinguistic groups: ang Tagalog (26%), Bisaya (14.3%), Ilokano (8%), at Cebuano (8%).
“By translating laws with penalties into terms that are easily understandable by ordinary citizens in their local language, we minimize the risk of misunderstanding and misinterpretation,” giit ni Diokno.
Gayundin, nakasaad sa panukala ni Diokno na dapat na lahat ng bagong batas na may parusang penal ay dapat isalin sa mga nabanggit na wika sa loob ng 90 araw, at ang lahat ng umiiral na batas na may penal na probisyon — kabilang na ang Revised Penal Code, Labor Code, RA 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act), Anti-VAWC Act, Safe Spaces Act, at Magna Carta of Filipino Seafarers, at iba pa — ay dapat maisalin sa loob ng limang taon.
Itinatakda rin sa panukalang batas na ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang magiging pangunahing ahensyang mangunguna sa pagsasalin, habang ang Presidential Communications Office (PCO) ang maglalathala ng mga salin sa Official Gazette at tiyaking magiging accessible ang mga ito online.
Kasama rin bilang mga may-akda sa Batas sa Sariling Wika Act sina Akbayan party-list Reps. Percival Cendaña,at Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Arlene ‘Kaka’ Bag-ao. -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News
