Sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) chief Rogelio Singson na nakatanggap siya ng “feelers” mula sa Malacañang na nag-aalok na pamunuan niya ang kagawaran na pinangangasiwaan ngayon ni Secretary Manuel Bonoan.
"Yes," tugon ni Singson sa GMA News Online ngayong Huwebes nang tanungin kung totoo na may alok sa kaniya na pamunuan ang DPWH.
Gayunman, sinabi ni Singson, dating naging DPWH chief sa administrasyon ng namayapang si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na tinanggihan niya ang alok.
"But I declined for the sake of my family, personal, and for security reasons," sabi niya.
Dahil sa kontrobersiya at alegasyon ng katiwalian sa mga flood control projects sa bansa, may mga panawagan kay Bonoan na magbitiw na sa kaniyang puwesto.
"I think ang delicadeza naman po dito is actually hindi lang naman po flood control project ang aking sinusulong dito sa DPWH. Napakarami po yung other big projects that would warrant my kuwan po ngayon dito. As I said, I leave it to the President po kung anong desisyon po nila," pahayag ni Bonoan sa panayam ng GMA Integrated News' Unang Balita.
Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB ngayong Huwebes, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat magbitiw na si Bonaon "out of delicadeza."
"Para makita talaga kung ano ang tunay na nangyayari sa loob at sino ang mga sangkot dito dahil nga hindi lang naman ito nangyari ngayon," ayon sa senador.
Si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, sinabing bagaman may mga dapat na masibak dahil sa anomalya ng flood control projects, posibleng hindi umano alam ni Bonoan ang mga pinaggagawa ng kaniyang mga tauhan sa “ibaba” ng ahensiya.
"So, hindi naman niya mamomonitor 'yan eh. Kaya lang, ang problema niya, command responsibility. That is his responsibility as Secretary of the department," pahayag ni Estrada.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
