Himas-rehas ang isang delivery rider ng online jewelry shop matapos mabisto ang kaniyang “holdup me” modus. Ang lalaki, nagsumbong sa pulisya na naholdap umano siya sa Quezon City ngunit nalamang naipatalo lamang niya sa sabong ang perang ire-remit niya dapat sa kompanya.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nagpunta sa La Loma Police Station ang 33-anyos na lalaki at nag-ulat na naholdap umano siya sa Barangay N.S. Amoranto.

“Tinutukan daw siya ng baril pagpa-hold up sa kaniya. Tapos binigay niya 'yung nakuha niyang pera. Nang pinuntahan ng mga follow-up operatives natin 'yung area at na-review 'yung CCTV, eh nakita na wala naman palang nangyari roon sa area,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, Commander ng La Loma Police Station.

Sinabi ng pulisya na ire-remit dapat ng suspek sa kompanya ang nasa P326,000, ngunit iilang alahas na lang narekober sa kaniya at cash na aabot sa P10,600.

“Umamin po siya na nadispalko ko niya 'yung pera. Ginamit niya daw sa pagsabong. So inamin niya naman po ito sa kaniyang manager,” sabi ni Aguirre.


Batay sa imbestigasyon, halos dalawang taon nang nagtatrabaho sa kompanya ang suspek.

“No comment po ako, sir,” sabi ng lalaki.

Pinag-iingat ng pulisya ang publiko sa “holdup me” modus, kung saan magsasabi ang isang tao na naholdap sila, ngunit nagastos pala ang pera sa mga bisyo.

Nahaharap ang suspek sa reklamong qualified theft.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News