Patay ang dalawang lalaking tumakas sa isang buy-bust operation matapos silang makipagbarilan sa mga pulis sa isang checkpoint sa Calauag, Quezon.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, inilahad ng Quezon Police na naglatag sila ng checkpoint matapos tumakas ang dalawa sa isinagawang operasyon.
Hindi huminto ang dalawang lalaki noong makita nila ang checkpoint, kundi pinaputukan ng baril ang mga awtoridad at tumakas. Nahinto kalaunan ang barilan at habulan.
Nakitang patay ang dalawang suspek, isa sa loob ng sasakyan at ang isa naman ay sa gilid ng highway.
Wala namang nasaktan sa panig ng pulisya.
Sinabi nilang hinihinalang miyembro ng gun for hire group ang isa sa dalawang suspek.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News
