Tinalo ni Alex Eala ng Pilipinas ang world no. 14 na si Clara Tauson ng Denmark, 6-3, 2-6, 7(13)-6(11), sa kaniyang debut sa main draw ng US Open sa Flushing Meadows, New York nitong Lunes ng umaga (oras sa Pilipinas). Ang ikatlong set, nagtabla pa.
Ito ang kaniyang unang panalo sa isang Grand Slam match at kauna-unahan sa kasaysayan para sa isang Pilipinong tennis player.
Nakahabol si Eala sa unang set matapos na maiwan sa iskor na 2-1. Nagawa niyang manalo sa tatlong laro bago nakasingit ng panalo si Tauson. Ngunit mabilis na nakuha muli ng Pinay tennis player ang momentum para maibulsa niya ang naturang set.
Iba naman ang naging resulta sa second set na kaagad nakaabante si Tauson sa 3-1. Sa mga sunod na laro, isang beses lang uli naka-iskor si Eala para makuha naman ng Denmark player ang set 2.
Makapigil-hininga naman ang third set dahil kahit unang naka-iskor si Eala, humataw si Tauson ng limang sunod-sunod na panalo para maiposte ang abante sa 5-1. Pero hindi kaagad sumuko si Eala upang agawin ang lamang sa 6-5.
Ngunit ipinakita ni Tauson kung bakit siya world No. 14 nang magawa niyang maitabla ang set.
Sa huli, ibinigay ni Eala ang kaniyang huling lakas sa tiebreaker at tuluyang angkinin ang tagumpay.
Sunod na haharapin ni Eala ang mananalo sa laban nina Cristina Bucsa ng Spain at Claire Liu ng Amerika.
— FRJ GMA Integrated News
