Inaresto ang isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Batangas matapos na tangkain umanong suhulan ang isang kongresista ng mahigit P3 milyon kapalit ng hindi pagpapa-imbestiga sa Kamara de Representantes ng mga maanomalyang proyekto sa kaniyang distrito.

Sa ulat ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) nitong Lunes, kinilala ang district engineer sa Balayan, Batangas, bilang si “Abe,” na inaresto ng special operation sa Barangay Poblacion Zone sa Taal, Batangas noong Biyernes.

Sa paunang imbestigasyon, sinabing tinangkang suhulan ng suspek si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ng halagang P3,126,900.

“According to Congressman Leviste, the bribe was extended in an attempt to dissuade him from initiating an investigation into alleged anomalies involving DPWH projects within the 1st District of Batangas,” ayon sa police report.

“Congressman Leviste reported to authorities that resulted in the successful arrest of the suspect,” dagdag nito.

Nakuha sa operasyon ang P3,126,900 bilang ebidensiya.

Sa pahayag ni Leviste, kinilala niya ang district engineer na si Abelardo Calalo, na nasa kustodiya ng Taal Municipal Police Station para sa booking at kaukulang disposisyon.

Mahaharap ang suspek sa reklamong corruption of public officials sa Revised Penal Code, pati na ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Batangas Provincial Prosecutors Office.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat ni GMA Integrated News reporter Ian Cruz.

Una rito, nakatakdang simulan sa Kamara ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects, na sinisiyasat na rin sa Senado. Mariing tinuligsa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga katiwalian sa naturang mga proyekto na mahina ang pagkakagawa at may mga “guni-guni” lang o ghost projects.

Samantala, inihayag ng DPWH na inalis na sa puwesto at inilagay sa preventive suspension ang naturang district engineer.

“As public servants, we at the DPWH do not condone any form of misconduct,” saad sa pahayag ng DPWH.

"The individual involved will be relieved of his assignment, and preventive suspension will be implemented," dagdag nito.

Sa panayam ng Dobol B TV nitong Lunes, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na nararapat lang sa naturang tauhan niya ang nangyari kung totoo na tinangka niyang suhulan ang isang kongresista.

“Dapat lang mangyari 'yan sa mga district engineer sa ganyang asal. Talagang I will not have second thought actually na dapat they deserve it actually ng mga ganyang nangyayari,” ayon sa kalihim.

“Hindi na. Hayaan mo na. Kung siya ang may pakana ng mga ganyan, wala na. Talagang ganu'n na 'yan. Hindi na kailangan bisitahin yan [sa detention cell],” sabi pa ni Bonoan. – mula sa ulat nina Joviland Rita/Jon Viktor D. Cabuenas/Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News