Sugatan ang isang bata matapos siyang malaglag mula sa isang umaandar na Asian utility vehicle (AUV) sa Roxas Boulevard sa Pasay City nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa viral video na bumukas ang pinto sa likod ng AUV at nalaglag ang bata sa kalsada.

Kaagad ding nakatayo ang bata na madidinig ang pag-iyak habang patungo sa gilid ng kalsada.

Nang tumigil ang AUV, isang babae at isang lalaki ang lumabas at lumapit sa bata.

Ayon sa motoristang nakasaksi sa insidente, nakita nito na nagtamo ng sugat sa braso ng bata.

Bagaman hindi malinaw sa video, may nagsabing binuksan ng bata ang pinto sa likod ng sasakyan.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang mga magulang ng bata.

Ayon sa safety expert na si Louie Domingo, lubhang delikado ang nangyari, hindi lang para sa bata kung hind imaging sa ibang motorista.

“Talagang napakaraming factors. ‘Yung tumigil ka lang doon, na wala ang early warning, medyo delikado na rin,” ani Domingo, director ng Emergency Management Center.

Ipinaalala rin ni Domingo na itinatakda sa Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act, na dapat may car seat ang mga sasakyan para sa mga batang edad hanggang 12.

Naiwasan din umano ang insidente kung may child lock system sa sasakyan.

“So, kung may double lock yun, secure mabuti yung lock. If ever sa ganong edad, puwede na rin turuan na huwag hawakan to, may lock yan dito. Diba na ino-orient sila kung paano yung safety nung sasakyan na huwag gagawin,” áyon kay Domingo. — FRJ GMA Integrated News