Sinibak bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si Police General Nicolas Torre III.
Ito ang kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa GMA Integrated News nitong Martes.
Agad na epektibo ang direktiba, batay sa isang memo ng Palasyo.
Walang karagdagang detalye na ibinigay.
Hiningian na ng GMA News Online ng kanilang panig sina Torre at ang PNP ngunit hindi pa sila naglalabas ng mga pahayag sa oras ng paglathala.
Samantala, kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes ng umaga na itinalaga si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. bilang bagong hepe ng PNP.
Posibleng maitalaga naman si Torre sa ibang posisyon sa pamahalaan, dagdag pa ni Remulla.
Si Torre ang ika-31 PNP chief na tumagal ng dalawang buwan at tatlong linggo matapos maupo sa puwesto noong Hunyo 2.
Siya ang unang alumnus ng Philippine National Police Academy (PNPA) na namuno sa organisasyon ng pulisya.
May isang taon at pitong buwan pa sanang natitira si Torre para magsilbi bilang PNP chief bago umabot sa edad ng kaniyang pagreretiro sa Marso 11, 2027.
Siya ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nanguna sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte at sa pagdala nito sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands noong Marso 11, para harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs noong kaniyang administrasyon.
Si Torre ay hepe ng CIDG mula Setyembre 25, 2024 hanggang sa kaniyang pagkakaluklok bilang hepe ng PNP.
Bilang hepe ng Police Regional Office 11 (PRO 11), pinangunahan ni Torre ang pagdakip kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy noong Setyembre 8, 2024 sa Davao City dahil sa mga kaso ng human trafficking at sexual exploitation ng mga menor de edad.
Pinamunuan niya ang PRO 11 mula Hunyo 18, 2024 hanggang Setyembre 24, 2024.
Isyu sa appointment
Bago ang pagsibak kay Torre, naglabas ng resolusyon ang National Police Commission (NAPOLCOM) na binabaligtad at binago nito ang mga appointment na ginawa ng dating PNP chief.
Inilabas noong Agosto 14 ang Resolution 2025-0531 ng NAPOLCOM, na nag-uutos na ibalik si Nartatez bilang Deputy Chief for Administration at Police Lieutenant General Bernard Banac bilang commander ng Area Police Command (APC) Western Mindanao.
Nagpalit sila ng posisyon nito ring buwan ng Agosto.
Ipinag-utos din ng NAPOLCOM sa PNP na agad na maglabas ng mga kaukulang utos kaugnay ng pagtatalaga ng 11 pang opisyal.
Pagkatapos nito, sinabi ni Torre na nalutas na ng PNP at NAPOLCOM ang isyu sa reshuffling ng mga kapulisan. Gayunpaman, tumanggi siyang magbigay ng mga detalye kung paano narating ang kasunduan. — VBL GMA Integrated News

