Tatlong babae na patungong Hong Kong ang hindi pinayagang makaalis ng bansa matapos gumamit umano ng pekeng overseas employment contracts.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng National Bureau of Investigation na papunta sana sa Hong Kong ang mga babae bilang mga turista.

Dalawa sa kanila ang naharang sa boarding gate ng NAIA Terminal 3, samantalang naharang naman ng immigration officer ang isa pa sa regular na inspeksiyon.

Sinabi ng mga babae na na-recruit sila sa pamamagitan ng social media.

Mula Hong Kong, lilipad sana sila sa Cambodia para mamasukan bilang customer service representatives. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News