Pumanaw na ang isa sa tatlong estudyante na nabagsakan ng debris o tipak ng semento mula sa isang condominium building sa Tomas Morato sa Quezon City.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabing ibinahagi sa Facebook post ng ama na si Jason Baldonado, ang malungkot niyang mensahe ng pamamaalam sa kaniyang anak na si Carl Jayden, 12-anyos.
“Masakit pero alam ko lahat may purpose si Lord samahan mo kami palagi sa mga pagdadaanan naming pagsubok,” bahagi ng post ni Jason.
???????????????????? ????????????????????????: Isa sa dalawang estudyante na nabagsakan ng debris mula sa condominium building sa QC noong August 12, 2025, pumanaw na | via @glenjuego pic.twitter.com/fEJaQbAof9
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 27, 2025
Isa si Carl Jayden sa tatlong estudyante na nabagsakan ng tipak ng semento mula sa isang condominium building noong Agosto 12. Dalawa sa kanila ang lubhang nasugatan na isinugod sa ospital, kabilang si Carl Jayden.
Nakaligtas ang isa nilang kasama, habang patuloy na ginagamot ang isa pa, ayon sa ulat.
Naglunsad din ng imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa maaaring pananagutan ng may-ari ng condominium building sa nangyari sa mga biktima.
Samantala sa isang pahayag, nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng QC sa pamilya Baldonado.
Nakasaad dito na isinasapinal na umano ng QC Police District at lokal na pamahalaan ang kasong kriminal at administratibo para papanagutin ang responsable sa pangyayari, at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
"Makakaasa kayo na gagawin ng Lokal na Pamahalaan ang lahat ng aming makakaya upang hindi na maulit ang ganitong uri ng kapabayaan," ayon sa QC LGU.
Nakahanda rin umano ang lokal na pamahalaan na ibigay ang lahat ng tulong para sa pamilya ng biktima. – FRJ GMA Integrated News
